PRESS RELEASE | PR-190-2025
Ang buwan ng Agosto ay Buwan ng Kasaysayan!
Sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines, nakikiisa ang Embahada ng Pilipinas sa Singapore sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan 2025 sa temang “Diwa ng Kasaysayan Kabilin sa Kabataan”
Binibigyang halaga ng temang ito ang kabataan sa pagbuo, pagsulat, paggawa, at pagtataguyod ng kasaysayan at kalinangan ng bayan. Mula sa ating mga batang bayaning nagpamalas ng giting sa kabila ng mura nilang edad, hanggang sa mga batang manggagawang kultural na patuloy na tumutuklas at bumabalangkas sa ating mga pamana, kinikilala natin ang kabataan bilang tagapagtanggol ng diwa ng bayan. Alinsunod rin ito sa pagdiriwang natin ngayong 2025 bilang Taon ng Kabataan sa Kasaysayan ng Pilipinas.
Makiisa sa pagdiriwang. Narito ang listahan ng mga gawain, ang dahilan kung bakit Agosto ang Buwan ng Kasaysayan, ang kahulugan ng tema, at mga materyales na puwedeng gamitin sa inyong pakikiisa sa buwan ng kasaysayan. https://bit.ly/HistoryMonth2025-Kit.
Alam ba ninyo? Ngayong araw, 1 Agosto 2025, ang ika-127 anibersaryo ng “Pagpupulong sa Bacoor 1898” at ang kauna-unahang pagdiriwang ng Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Ang “Pagpupulong sa Bacoor” o “Bacoor Assembly of 1898” ay isang malawakang pagpupulong na isinagawa ng Pamahalaang Rebolusyonaryo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong ika-1 ng Agosto 1898.
Alinsunod sa payo ni Apolinario Mabini, nagtipon-tipon ang mahigit na 200 kinatawan ng mga bagong halal na pamahalaang lokal mula sa 16 na lalawigang malaya sa Bacoor, Cavite, ang kabisera ng pamahalaan noong panahon na iyon. Sa pagpupulong na iyon, nilagdaan, sa pangunguna ni Pangulong Aguinaldo ang Acta ng Kalayaan na isinulat ni Mabini bilang tugon sa mga pagkukulang sa naunang Acta de la Proclamacion de Independencia del Pueblo Filipino na ginamit noong ika-12 ng Hunyo 1898. Ang Acta Agosto Uno ang siyang pinagtibay ng Kongreso ng Malolos nang mabuo ito noong ikalawang bahagi ng 1898.
Sama-sama nating ipagdiwang ngayong Agosto ang ating mayamang kasaysayan!


